Nais mo bang mag-alaga ng sariling mga manok? Dahil sikat ang sabong at poultry breeding sa ating bansa, marami kang mapagpipiliang lahi ng mga manok. Hindi na kailangan pang gumastos ng sandamakmak para sa mga imported na lahi. Ngunit paano nga ba pipili?
Iba ang mga lahi ng manok na angkop sa pag-sabong, at iba rin naman ang pang-breed at pangkain. Talakayin natin ang lima sa mga karaniwang chicken breeds na matatagpuan sa Pilipinas.
1. Banaba
Itinuturing ang lahing ito bilang orihinal na fighting bird ng Pilipinas. Ang Banaba ay ang pinakasikat na lahi ng gamecock sa bansa. Kilala sila sa pagkakaroon ng pulang balahibo, maliban sa kanilang dibdib na itim naman ang kulay. Itim rin ang kanilang tuka, daliri, at binti.
Ang partikular na lahing ito ay nagmula sa Timog Luzon, partikular sa mga probinsya ng Batangas at Quezon. Ang Banaba ay mahusay na mandirigma sa sabong at mabisa rin sa paggawa ng mga itlog. Ang ibig nitong sabihin, maaari mong palakihin ang iyong Banaba bilang kampyon sa sabungan o tandang sa breeding farm.
2. Bolinao
Ang lahing ito ay nanggagaling sa Pangasinan, kung kaya naman ipinangalan ito sa bayan ng Bolinao. Ang tipikal na kulay ng manok na ito ay pula at kayumanggi, ngunit minsan ay itim ang kanyang balahibo. Mainam ang lahing ito bilang broiler (manok na pinapalaki para sa kanilang laman) o layer (manok na gagamitin upang magparami o mangitlog).
Dahil sa kanilang laki, hinihikayat ng lokal na administrasyon ng Pangasinan ang pagpapalaki ng native na manok na ito. Dahil minimal lang ang pangangailangan ng Bolinao, sikat din ito bilang free-range chickens.
3. Darag
Kilala ang Darag dahil sa benepisyong dala nito sa poultry farmers. Ekonomikal na maituturing ang eating habits ng manok na ito, at maaari na agad itong anihin pagkatapos lamang ng sampung linggo. Pula ang balahibo sa leeg at pakpak ng mga tandang; itim ang buntot, at ebony o kulay kahoy ang kalakhan ng katawan. Ang inahing Darag naman ay may manilaw-nilaw na balahibo.
Tinatawag ding Labuyo o Alimbuyog, nagmumula sa isla ng Panay sa Kanlurang Visayas ang mga Darag. Kilala rin ang lahing ito sa kakaibang istraktura ng katawan: payat ito, ngunit malaman. Dahil sa katawan at malasa nitong laman, madalas gamitin ang Darag sa pagluluto ng Pinoy favorite na chicken Inasal at tinola.
4. Joloano
Kilala rin bilang Basilan, isa ring tanyag na lahing pangsabong ang Joloano. Ang lahing ito ay matangkad, isang malaking lamang nito sa mga kalaban sa sabong. Kulay kahel ang balahibo at itim ang buntot ng tandang na Joloano. Kayumanggi naman ang inahin, na naglalabas ng dilaw na mga itlog.
Ang Joloano ay madalas ding ginagamit para sa interbreeding. Tulad ng Bolinao, hinihikayat ng gobyerno ang pag-aalaga ng Joloano upang maparami ang produksyon ng karneng manok sa bansa.
5. Paraoakan
Ang Paraoakan ay ang pinakamalaking katutubong chicken breed sa Pilipinas. Ang Paraoakan ay tipikal na mahahanap sa Palawan, ngunit matatagpuan rin ito sa Maguindanao, Lanao del Norte, Basilan, at Jolo.
Itim ang kalakhan ng katawan ng isang Paraoakan, mamuti-muti ang mga paa at may kaunting puti rin sa dulo ng kanyang buntot. Isang regular sa larangan ng sabong, ang Paraoakan ay kadalasang may mahahabang binti, pahabang leeg, at ang kanyang katawan at ulo ay kapansin-pansing mas malaki kumpara sa iba pang lokal na lahi.
Ang mga ito ang ilan sa mga pinakasikat at karaniwang chicken breeds sa Pilipinas. Kung interesadong mag-alaga ng alinman sa mga nabanggit na lahi ng manok, siguraduhing kumpleto ang iyong equipment. Maaari silang alagaan bilang free-range chickens, basta mayroon kang malawak na lupa at angkop na kagamitan gaya ng matibay na free-range nets.
Ngayong alam mo na ang mga pagpipiliang lahi ng manok, mabuting magsimulang mamuhunan sa basics ng poultry breeding. Mag-invest sa chicken nets at kumunsulta sa mga eksperto para sa iba pang kailangang malaman patungkol sa pag-aalaga ng manok. Ang Philippine Ranging Nets ay pangunahing supplier ng chicken nets sa bansa. Makipag-ugnayan para sa iyong unang order.